Latest

Ang Mabisang Pagtuturo sa Lente ng Isang Guro


ni Vasil A. Victoria, PhD
Ateneo de Naga University

Isang realidad na masasabing walang perpektong pagtuturo. Subalit isang katotohanan ding maitutuligsa sa unang pahayag na may mabisang pagtuturo. Sa aking karanasan sa loob ng 17 taon sa kaligirang pansilid-aralan, ano-ano ba ang pamantayan o paraan upang maging mabisa ang pagtuturo?

Una na rito ang pagkakaroon ng tiyak at malinaw na layunin. Lagi kong idinidiin ang kabuluhan ng pagsasabi at pagpapaliwanag kung bakit dapat may layunin sa isang partikular na talakayan. Naging ritwal o sitema na ito sa aking pagtuturo. Sa praktikal na usapan, sinasabi agad natin sa traysikel drayber kung saan tayo pupunta. Ito ang pinakadahilan kung bakit dapat may layunin. Nagkakaroon ng direksiyon ang talakayan. Hindi naliligaw. Hindi pasikot-sikot. Sa madaling sabi, alam ang pupuntahan kapag may layunin ang klase sa isang tiyak na paksang pag-aaralan.

Pangalawa ay ang pagbibigay ng minimal at makatwirang mga tuntuning pansilid-aralan. Mahalaga na alam ng mga mag-aaral ang inaasahan ng guro sa kaniyang klase. Papasok ang mga inaasahang ito sa mismong mga tuntuning ilalatag at ipapatupad ng guro. Kailangang tama lamang ang bilang ng tiyak na mga tuntuning masusunod at ipapatupad sa bawat sesyon o pagkikita. Hindi ito sobra-sobra o pagkarami-rami na halos hindi na matatandaan ng mga mag-aaral. Mas kaunti, mas madaling maikikintal at masusunod ng buong klase. Makabuluhan ding tanungin sa kanila kung alin sa mga tuntunin ang mahirap gawin o sundin at ipaliwanag ang kaakibat na dahilan o rasyonal. Makabuluhan din na sabihin ang mga tuntunin sa positibong pananalita. Iwasan ang pagbabawal. Tandaan, sa kulturang Filipino, kung ano ang bawal, siyang ginagawa. Sa halip na sabihing “Bawal ang mahuli sa klase,” maaari namang “Pumasok sa tamang oras o nang maaga.”

Pangatlo, magkaroon ng routine ang klase. Alam na dapat nila ang sistema sa loob ng silid-aralan kapag pumasok pa lamang ang klase. Nariyan ang pagsasaayos ng silid-aralan (kung magulo), panalangin (italaga ang mga mag-aaral sa mga susunod na pagdarasal), pagpasa ng papel (wala dapat tatayo), pagwasto ng atendans (kasama ng class beadle), papel para sa pagsusulit (hindi dapat paiba-iba), sintesis (bilang pagbubuod sa naging leksiyon) at siyempre panalangin bilang pagtatapos.

Pang-apat, wala dapat naiiwan sa laylayan. Lahat dapat kasali sa talakayan. Sa kasaysayan ng aking pagtuturo, napagtanto kong lahat dapat kasali sa leksiyon. Kaya naging ritwal na sa aking klase na magkaroon ng apat na pangkat para sa paligsahan. Isa sa pinakanatutuhan ko sa “hagdan ng karanasan” mula sa kagamitang panturo na mabisang estratehiya ang laro. Ito ang aking estilo sa pagtuturo. Laging papangkatin ang klase sa apat. Isusulat sa itinakdang papel ang mga pangalan. Dapat may kaukulang numero ang kanilang pangalan upang mapadali ang pag-imbentaryo ng mga nakakasagot nang tama. May tiyak na minuto sila para mag-usap. Ang patunay na nag-usap ang pangkat ay ang mga ideang isusulat sa papel. Ito ang mekaniks ng paligsahan. Tumayo kapag alam ang sagot. Kapag may kasabay na tumayo, unahan ng pagsabi. Kung sino ang nauna, sa kanila ang karampatang puntos. Isa lamang ang puwedeng tumayo sa bawat pangkat. Hindi maaaring dalawa ang tumayo para sa isang pangkat. Tandaan, ibang grupo ang kalaban. Deskuwalipika o talo sila ng kabilang pangkat na may isa lamang tumayo. Kailangan ding kampante sa sagot. Confidently handsome/beautiful with a heart dapat. May isang sumagot na kampante at may isa sa kabila na nag-aalangan at/o nakatuwad, panalo ang confidently handsome/beautiful with a heart. Sa aking klase, bawal din ang paulit-ulit na sasagot. Walang magdodomina ng kaalaman. Walang magmomonopolyo ng karunungan. Give chance to others. Kaya kapag nakasagot na nang tama, maaari ka lamang mag-round two kung lahat na ay nakasagot sa kinabibilangang pangkat. Dito magsisimula ang tinatawag na teamwork. Dapat nagtutulungan. Dapat lahat ay nabibigyan ng pagkakataon. Dapat lahat kasali dahil kapag hindi ka tumayo para sa iyong kagrupo, hindi kayo makaka-move on.

Panlima, standard operating procedure na sinasabi mo ang uri at saklaw ng eksaminasyon. Para akma o nakaangkla rin ang estratehiyang gagawin ng mga mag-aaral sa kanilang rebyu o pagbabalik-aral. Marami kasing guro na pahulaan ang gagawing eksaminasyon kaya malabo o abstrak sa isipan ng mga mag-aaral ang kanilang gagawing atake sa pag-aaral. Alam din dapat nila kung ilang aytem ang pagsusulit. Para alam nila o magkaroon sila ng idea kung ilang oras ang dapat nilang gugulin sa paghahanda sa iyong eksaminasyon. Makakabuti rin na iangkla na ang eksam sa mga board exam. Ano ang ibig kong sabihin? Sa akin, lahat ng eksaminasyon ko ay pamimiliang sagot o multiple chioce. Bakit? Simpleng lohika, ang mga board exam ay multiple choice gaya ng Licensure Examination for Teacher, eksam para sa mga nagsipagtapos ng Accountancy at Engineering. Sa pinakahuli, kahit bar exam ay may multiple choice na. Karagdagan kung bakit multiple choice, upang maprograma na ang isip ng mga mag-aaral na maraming pagkakataon sa buhay ng tao sa labas ng klasrum na magpapatotoo na “life is a choice.” Ang buhay ay isang pamimilian after all.

Pang-anim, transparent ka dapat sa pagmamarka. Tapos na ang panahon ng dark ages. Hindi na puwedeng itatago kung paano ka nagmamarka o kung paano mo minamarkahan ang mga mag-aaral. Ipabatid sa mga mag-aaral sa unang araw pa lamang ng pagtatagpo ang sistema ng pagmamarka. Bigyang-diin ang may mabibigat na bahagdan. Pagkatapos ng bawat eksaminasyon, i-update ang marka ng mga mag-aaral. Sabihin kung ano na ang kanilang katayuang pangklase. Imonitor ang kanilang lakas at/o kakulangan. Sabihin ang high lights sa buong klase. Sino ang pinakamagaling sa kuwis, pinakanangunguna sa proyekto, pinakamasipag sa takdang-aralin, pinakaaktibo sa talakayan at pinakabibo sa mga eksaminasyon. Sabihin din ang mga kakulangan para alam ng mga mag-aaral kung ano ang dapat o hindi na dapat nilang gawin. Tandaan, napakahalaga ng feedback sa mabisang pagtuturo. Hindi rin dapat tumitingala ang guro sa magiging marka ng mga mag-aaral. Walang puwang ang patsamba-tsamba. Walang nakukuha sa paboritismo. Sa aking klase, pinapatunayan kong ang guro ay tagarekord lamang ng marka. Kung mataas ang iyong marka sapagkat nagtrabaho ka. Kung bumagbsak ka sapagkat ikaw mismo ang bumagsak sa iyong sarili.

Pampito, wala na yatang tatalo sa paghahanda. Alam na alam na ng kontemporaneong mga mag-aaral kung sino ang gurong handa at/o basta-basta na lamang sumasabak sa kaniyang trabaho. Pinakamahalaga ang mabuting pagpaplano sa pamamagitan ng banghay-aralin (lesson plan), power point presentation at/o handawts, power dress (tandaan, pinakaunang visual aid sa loob ng klasrum ang mismong guro), mga kagamitang panturo, class record, photocopy ng pagsusulit o kuwis (mortal sin na idinidikta ang kuwis lalo na ang eksaminasyon dahil mas malaki ang tyansang babagsak ang mayorya), pointer (para hindi na lapit nang lapit sa laptop at para na rin malayang makagalaw) at lahat ng kakailangang gamit para sa nakatakdang paksang-aralin.

Ito ang sekreto ko sa pagtuturo. Ito ang sekreto ko sa napakataas na ebalwasyon mula sa aking mga mag-aaral. Hindi ito perpekto pero ang tiyak na tiyak ko, mabisang-mabisa ito.