Thursday, August 17, 2017

Division Supt. ng Catanduanes idineklarang persona non grata


SAN ANDRES, CATANDUANES – Idineklarang Persona Non Grata ng Sangguniang Bayan ng San Andres si DepEd Schools Division Superintendent Dr. Socorro dela Rosa dahil sa umano’y pambabastos nito sa mga miyembro ng nasabing konseho.

Ang deklarasyon ay naganap sa loob ng 60th Regular Session ng SB San Andres noong ika-16 ng Agosto, kung saan inaprubahan ito unanimously ng buong miyembro.

Ang hidwaan sa pagitan ng DepEd at SB San Andres ay nag-ugat sa pagpapatawag ng Sanggunian sa isang inirereklamong guro mula sa Palawig Elementary School. Hindi sumipot ang nasabing maestro, sa halip, isang liham mula kay Dela Rosa ang tinanggap ng SB San Andres.

Sa liham, binanggit ni Dela Rosa na ang isyu na kinasasangkutan ng teacher ay naresolba na matapos umanong mamagitan ang Grievance Machinery ng ahensiya. Katunayan, dagdag ng sulat, nailipat na sa ibang paaralan ang nasabing guro kaya ayon kay Dela Rosa, hindi na kailangan mag-appear pa sa Sanggunian ang teacher.

Gayunman, binanggit din ni Dela Rosa sa sulat na ang pagpapatawag ng Sanggunian sa guro ay hindi saklaw ng hurisdiksiyon ng SB, at ito umano ay lumalabag sa prinsipyo ng pagkakahiwalay ng kapangyarihan ayon sa Saligang Batas at iba pang umiiral na jurisprudence.

“And finally, it would be a fitting reminder to each of us not to allow political vendetta to shroud our objectivity and integrity in judiciously resolving an issue before us,” ayon pa sa nasabing liham.

Sa pagdedeklara kay Dela Rosa bilang Persona Non Grata ng SB, nagkakaisa ang kanilang paniniwala na lubhang ininsulto ng DepEd official ang bawat miyembro ng sanggunian. “Her letter has shamelessly depicted the members of the Sangguniang Bayan as a cluster of politicos wanting of common sense.” Gayong ayon sa kanila, ang SB San Andres ang Outstanding Sangguniang Bayan ng buong Bicol noong nakaraang taon at katunayan, representative ng Bicol Region ang SB San Andres para sa National Competition para sa Outstanding Sangguniang Bayan ng Pilipinas. Kaya ayon sa kanila, lubha umanong dinusta ni Dela Rosa ang Sanggunian.

Maliban dito, naging tuntungan din ng deklarasyon ang umano’y tahasang pambabastos ng superintendent kay Coun. Alan del Valle nang magtungo umano ito sa tanggapan ni Dela Rosa ngunit hindi pinaupo.

“She was seated behind her desk, but never offered me a chair to the entire duration of our conversation,” ayon kay Del Valle.

Samantala, bago ang approval ng deklarasyon, inilahad muna ni Del Valle, bilang proponent, ang kahulugan ng Persona Non Grata para kay Dela Rosa. Ayon sa kanya, hindi pagbabawalan si Dela Rosa na umapak sa San Andres ngunit hindi umano nito asahan na tatanggap ito ng anumang respeto.

“She can attend school activities, but she will not be acknowledged in case there is an LGU Official present in the same activity.”

Sa kabilang dako, sa simula ay kinontesta ni Coun. Andy Facundo ang deklarasyon kay Dela Rosa bilang Persona Non Grata. Ayon sa kanya, masyadong marahas ang hakbang at tila mas makabubuti umanong hilingin na lamang ng Sanggunian sa DepEd na ilipat ng pwesto ang superintendent. Ngunit sa huli ay napahinuhod ng mga kasama si Facundo. Dagdag dito, inatasan din si Facundo na maglikha ng resolusyon para sa transfer ni Dela Rosa. Sa deliberasyon, inaasahang ihahain ni Facundo ang hiwalay na resolusyon sa susunod na session ng Sanggunian. (RAMIL SOLIVERES)
Share:

Featured Post

Naga City shabu dealer slapped with life term

NAGA CITY 11/22/17 (Bicol Standard) -- A man caught selling Php200,000.00 worth of shabu inside a room of Villa Caceres Hotel in 2015 w...